Sa isang kuwento sa komiks, nag-anunsyo ang isang karakter doon na gumagamot siya ng mga karamdaman sa isip kapalit ng limang sentimo. May nagpagamot naman na nakadarama ng isang matinding kalungkutan. Nang magtanong ito kung ano ang gagawin niya para malampasan ito, sumagot agad ang manggagamot na “Mawawala rin ’yan. Pakiabot ang limang sentimo.”
Tila nakakatawa ang tagpong iyon. Pero hindi nararapat na ipagwalang-bahala ang matinding kalungkutang nadarama natin. Kapag nakadarama tayo ng matinding kalungkutan at kawalang-pag-asa, nararapat na magpatingin na tayo sa mga dalubhasa para magamot ito.
May inaalok naman sa atin ang Biblia na makakatulong upang malampasan ang matinding kalungkutan at mabibigat na problema. Ipinahayag nang sumulat ng Salmo 88 ang pinagdaraanan niyang mga pagsubok sa buhay kaya buong puso siyang lumapit sa Dios. Sinabi ng sumulat ng Salmo, “Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin at parang mamamatay na ako” (Tal. 2-3). “Para N’yo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay” (Tal. 6). “Wala akong naging kasama kundi kadiliman” (Tal. 18).
Tulad ng sumulat ng Salmo, nakadarama rin tayo ng mga matitinding pagsubok. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Lumapit tayo sa Dios. “Panginoon, Kayo ang Dios na aking Tagapagligtas. Tumatawag ako sa Inyo araw-gabi. Dinggin N’yo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan” (Tal. 1-2, 9, 13). Maraming paraan ang makatutulong para mabigyang solusyon ang mabibigat na problema. Nariyan ang mga payo at pagpapakonsulta sa mga dalubhasa. Gayon pa man, huwag nating kalilimutan na ang Dios ang pag-asa natin.