Minsan, nang magbakasyon kami ay nakilala namin si Rogelio. Siya ang nagsilbi at nag-asikaso sa amin habang kami ay nagbabakasyon. Nang makausap namin siya, ikinuwento niya sa amin ang tungkol sa kanyang buhay. Itinuturing niyang biyaya mula sa Dios ang asawa niyang si Kaly. Mabait daw kasi at may matatag na pananampalataya sa Dios. Kahit may anak na sila, nagagawa pa rin nilang maalagaan ang kanyang pamangkin at biyenan na mayroong sakit. Para sa kanila isa itong pagkakataon na ibinigay ng Dios upang makatulong.

Nagtatrabahong mabuti si Rogelio na may kagalakan sa kanyang puso. Sinabi ko kay Rogelio na pinahanga niya ako sa dedikasyon at pagmamahal na ipinapakita nilang mag-asawa sa mga mahal nila sa buhay. Sinabi naman niya sa akin na, “Isang kagalakan na mapaglingkuran sila at pati po kayo.”

Isang halimbawa ang buhay ni Rogelio kung paano mamuhay nang naglilingkod sa iba at inuuna ang kanilang kapakanan. Mababasa rin natin sa Roma 12:10-13 kung paano tayo hinikayat ni Apostol Pablo na mahalin ang bawat isa. Sinabi niya na magmahalan tayo at magalak sa buhay dahil may pag-asa tayo. Sinabi rin niya na tulungan natin ang mga nangangailangan at patuluyin sa ating mga tahanan ang walang matutuluyan.

May mga pagkakataon na makakaranas tayo ng mga pagsubok na sa tingin natin ay hindi natin kayang malagpasan. Subalit sa kabila ng mga pagsubok na ito ay maaari pa rin nating maipadama sa iba ang pagmamahal ng Dios at pag-lingkuran sila ng buong puso.