Minsan, tiningnan ko ang lumang photo album ng aking mga magulang. Nandoon ang mga larawan ko noong bata pa ako na mataba ang mukha. Nandoon din naman ang mga larawan ko noong nagbibinata na ako at payat na aking mukha. Napakalaki ng ipinagbago ng aking hitsura at mga kinahihiligan habang tumatanda ako. Ayon sa mga dalubhasa, magkaiba raw ang ngipin, dugo at mga buto ko noong bata pa ako sa edad ko ngayon.

Gayon pa man, ako pa rin ito. Kaya sa patuloy na nangyayaring pagbabago sa ating buhay, sino nga ba talaga tayo?

Mababasa naman natin sa Salmo 139:13-14 na ang Dios ang lumikha sa atin sa sinapupunan ng ating ina at kahanga-hanga ang pagkakalikha Niya sa atin. Hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Pero kung tunay tayong mga anak ng Dios, magiging katulad natin si Cristo (1 Juan 3:2). Darating ang panahon na magkakaroon tayo ng katawan at katangiang katulad ng kay Cristo. Hindi na rin tayo makakagawa ng anumang kasalanan.

Ang pagkilos ng Panginoon sa ating buhay ang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayo’y maging katulad ni Cristo (2 Corinto 3:18). Hindi pa natin lubusang nakakamtan kung magiging ano tayo. Pero sa paggaya natin sa mga katangian ni Cristo ay naipapakita natin sa iba kung sino nga ba talaga tayo.