Ipinanganak noong 1797 sa New York si Isabella Baumfree bilang isang alipin. Ang mga anak niya ay ipinagbili rin bilang mga alipin. Pero nakatakas siya sa pagiging alipin noong 1826 kasama ang isa niyang anak. Ipinaglaban niya rin ang pagpapalaya sa anak niyang si Peter at nagtagumpay siya. Sumampalataya si Isabella kay Cristo at ipinagkatiwala sa Dios ang pagpapalaki sa kanyang mga anak. Pinalitan niya ang kanyang pangalan ng Sojourner Truth upang ipakita na ang buhay niya ay nakasalig sa katotohanang nagmumula sa Dios.
Sinabi naman ni Haring Solomon sa Kawikaan 14:1 na, “Ang marunong na babae ay pinatatatag ang kanyang sambahayan, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ang kanyang sariling tahanan.” Ipinakikita ng talatang ito na nagbibigay ng karunungan ang Dios sa mga taong nais makinig sa Kanya.
Paano nga ba mapapatatag ang isang sambahayan nang may karunungan? Sa pamamagitan ito ng pagsasabi ng mga nakabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig (Efeso 4:29; Tingdan din ang 1 Tesalonica 5:11). Paano naman masisira ang sariling tahanan? Sinasabi sa Kawikaan 14:3 na, “Ang salita ng hangal ang magpapasama sa kanya.”
Nagkaroon ng “kanlungan” (Tal. 26) si Sojourner sa mahihirap na sitwasyon sa kanyang buhay dahil sa karunungang nagmumula sa Dios. Maaari din naman nating mapatatag ang sarili nating sambahayan kung nakasalig ang ating pananampalataya kay Cristo na siyang karunungan ng Dios.