Naging paralisado na si Joni Eareckson Tada matapos siyang maaksidente sa paglangoy. Hindi na niya maigalaw ang kanyang mga kamay at mga binti. Naging mahirap para sa kanya ang simpleng gawain sa bawat araw. Kailangan siyang subuan pa para lamang makakain. Pero nagsumikap siya na magawa muli ang mga bagay na dati niyang ginagawa.
Sabi niya, “Ang naging sikreto ko ay ang palaging paghingi ng tulong kay Jesus.” Ngayon ay nagagawa na muli niya ang ilang mga gawaing dati na niyang ginagawa.
Tila naman nakulong si Joni sa kanyang naging kapansanan. Naihalintulad niya ang buhay niya kay Apostol Pablo na nakulong naman sa piitan sa Roma. Pero nagsumikap si Joni upang maabot niya rin ang naging karanasan ni Pablo na naging kontento sa kabila ng mga pinagdaanan sa buhay. Sinabi ni Pablo, “Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko” (Filipos 4:11). Paano natutunan ni Pablo na maging kontento? Nagtiwala siya kay Cristo Jesus. Sinabi pa ni Pablo na, “Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin” (Tal. 13).
Magkakaibang pagsubok ang pinagdaraanan natin bawat araw. Pero maaari tayong humingi ng tulong, kalakasan at kapayapaan kay Jesus. Bibigyan Niya tayo ng kakayahan upang mapag-tagumpayan ang mga problemang kinakaharap natin. Magtiwala tayo kay Jesus at makakasumpong tayo ng kagalakang nagmumula sa Kanya.