Sa nobelang Family Happiness na isinulat ni Leo Tolstoy, may dalawang tauhan doon na sina Sergey at Masha. Noong una silang magkakilala, isang mapaghangad na probinsyanang dalaga si Masha. Isa namang may edad na negosyante si Sergey at alam na alam na ang takbo ng mundo. Nang tumagal, napamahal sila sa isa’t isa. Kaya naman, nagpakasal sila at nanirahan sa isang bukid. Hindi nagtagal, nabagot si Masha. Dahil dito, nagpasya silang magbakasyon sa St. Petersburg.

Dahil sa kagandahang taglay ni Masha, naging kilala siya sa lugar na iyon. Nang pauwi na sila, dumating naman ang isang prinsipe na gusto siyang makilala. Alam ni Sergey na maaari niya sanang pilitin si Masha na umalis na lang kasama niya, pero mas gusto niya na si Masha ang magpasya. Pinili ni Masha ang magpaiwan na kasama ang prinsipe. Dahil doon, labis na nalungkot ni Sergey.

Katulad ni Sergey, hindi rin tayo pipilitin ng Dios na maging tapat sa Kanya. Dahil mahal Niya tayo, hinahayaan Niya tayong magpasya kung magiging tapat ba tayo o hindi sa Kanya. Ang unang pagpili na gagawin natin para Dios ay ang pagtitiwala kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas (1 Juan 4:9-10). Pagkatapos noon, araw-araw na tayong magpapasya kung magiging tapat tayo o hindi sa Dios.

Pipiliin mo bang maging tapat sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu o hahayaan mong matukso ka ng mundo? Hindi rin naging perpekto si Haring David, pero patuloy siyang nagnais sumunod sa kalooban ng Dios (Salmo 18:21-24). Kapag pinili nating maging tapat sa Kanya, mararanasan din natin ang pagpapalang natanggap ni David. Tapat ang Dios sa mga tapat sa Kanya.