Sa loob ng labing-apat na taon ay tinutulungan ng rover ang NASA o National Aeronautics and Space Administration sa pagkuha ng datos mula sa planetang Mars. Pinangalanang Opportunity ang rover na ito. Taong 2004 nang magsimula itong magpadala ng mga datos at larawan mula sa planetang Mars. Ngunit taong 2018 nang matigil ito. May alikabok kasing humarang sa solar panels na nagpapagana sa rover.
Tulad nito, posible rin kayang may humadlang sa komunikasyon natin sa Dios?
Ayon sa Biblia, ang kasalanan ay isang hadlang sa kaugnayan natin sa Dios. “Kung hindi ko ipinahayag sa Dios ang aking mga kasalanan, hindi Niya ako pakikinggan” (Salmo 66:18). Sabi naman ni Jesus, “At kapag nananalangin kayo, patawarin n’yo muna ang mga nagkasala sa inyo para ang mga kasalanan ninyo ay patawarin din ng inyong Amang nasa langit” (Marcos 11:25). Ang relasyon natin sa Dios ay maaari ring hadlangan ng pagdududa at sari-saring problema (Santiago 1:5-7; 1 Pedro 3:7).
Maaaring ang pagkatigil ng komunikasyon sa pagitan ng NASA at ng rover na Opportunity ay permanente, pero hindi ang komunikasyon natin sa Dios. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, hinihikayat tayo muli ng Dios na muling makipag-usap sa Kanya. Sa paghingi natin ng tawad sa ating mga kasalanan, mararanasan muli natin ang isang kaugnayang walang anumang kapalit: ang personal na koneksyon sa isang Banal na Dios.