Mayroon akong kaibigan at itinuturing namin ang isa’t-isa bilang magkapatid kay Cristo. Ngunit nabago ang lahat nang magkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan. Nagkahiwalay kami at nangakong hindi na magkikita muli.
Makalipas ang isang taon, muli kaming nagkatagpo sa isang gawain para sa aming simbahan. Muli kaming nagkasama. Pinag-usapan namin ang aming hindi pagkakaunawaan noon. Tinulungan kami ng Dios na patawarin ang isa’t-isa . Muli kaming nagkasundo para mas maayos na makapaglingkod sa Panginoon.
Ipinagkasundo din ng Dios ang magkapatid na Esau at Jacob. Nilinlang kasi ni Jacob ang kapatid niya at kinuha ang pamana ng kanilang ama. Dahil doon nais siyang patayin ni Esau. Makalipas ang dalawampung taon, muli silang nagkita. Bumalik muli si Jacob sa bayan nila. Nagpadala muna siya ng mga regalo para mawala ang galit ni Esau. “Pero tumakbo si Esau para salubungin siya. Niyakap siya ni Esau at hinagkan, at umiyak silang dalawa” (Genesis 33:4).
Nais naman ng Panginoon na patawarin natin ang mga taong nakaalitan natin bago tayo lumapit at magpuri sa Kanya (Mateo 5:23-24). Nais Niya na may maayos tayong relasyon sa kapwa natin. “Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios” (Tal. 24). Sumunod si Jacob sa nais ng Dios na makipagkasundo sa kapatid niyang si Esau. Matapos nito ay nagpuri at nagpasalamat siya sa Dios (Genesis 33:20). Palagi rin namang handa ang Dios na magpatawad sa mga pagkakasala natin.