Isang sikat na tagapagturo ng Biblia si Dwight Moody. Nang magtiwala siya kay Cristo, nangako siya sa kanyang sarili na hindi niya palalagpasin ang bawat araw na hindi niya ibinabahagi si Cristo sa iba. Sa mga araw na abala siya, gabi na niya naaalala ang pangako niyang ito.
Isang gabi, nang matutulog na siya, bigla niya itong naalala. Bumangon siya at lumabas ng bahay. Umuulan noon kaya naisip niya na baka wala nang tao ang dumaan. Maya-maya, may nakita siyang lalaki na naglalakad sa may kalye na walang payong. Nilapitan niya agad ang lalaki at inabutan ng payong. Hanggang sa tinanong niya ang lalaki, “May masisilungan ka ba ngayong maulan? Maaari ko bang ibahagi sa iyo ang tungkol kay Jesus?”
Isang halimbawa si Moody kung paano tayo dapat palaging maging handang ibahagi sa iba ang ginawang pagliligtas ng Dios. Sinunod ni Moody ang utos ng Dios sa mga Israelita na ipahayag ang Kanyang pangalan at “sabihin sa mga bansa ang Kanyang mga ginawa” (Isaias 12:4). Tinawag din ang mga Israelita na ipahayag kung paano sila iniligtas ng Dios (Tal. 2). Sa kasalukuyan naman, tinawag din tayong mga nagtitiwala kay Jesus na ipahayag sa iba ang Kanyang pagkakatawang-tao, pagkamatay sa krus at pagkabuhay muli.
Maaaring narinig natin ang tungkol sa pagmamahal ng Dios nang may taong nagbahagi rin sa atin tungkol kay Jesus. Kaya naman sa sariling nating paraan, ibahagi natin sa iba ang tungkol sa ating dakilang Tagapagligtas.