Ang pagdadalaga at pagbibinata ang isa sa pinakamahirap na panahon sa buhay – para sa magulang at sa anak. Dahil gusto kong makilala bilang ako na hiwalay sa nanay ko, tahasan kong tinanggihan ang mga pinahahalagahan niya at sinuway ko ang mga panuntunan niya sa paghihinalang layunin ng mga ito na pahirapan lang ako.
Matagal na namin napagsang-ayunan ang mga bagay-bagay, pero naging mahirap talaga para sa amin ang panahong iyon. Naghinagpis si nanay sa hindi ko pakikinig sa dunong na binabahagi niya, na para sana makaiwas ako sa sakit ng katawan at kalooban na puwedeng maiwasan.
Ganyan din ang puso ng Dios para sa mga Israelita. Ibinigay ng Dios ang karunungan sa pamumuhay: ang Sampung Utos (Deuteronomio 5:7-21). Sa unang tingin, parang listahan ito ng mga patakaran, ngunit makikita sa mga salita ni Moises ang layunin ng Dios: “upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon” (Tal. 29). Batid ni Moises ang nais ng Dios at sinabi niya na ang pagsunod sa kautusan ang magdudulot ng kasiyahan sa patuloy na pagkilos ng Dios sa buhay nila sa lupang pangako (Tal. 33).
Lahat tayo dumadaan sa panahon ng pagbibinata’t pagdadalaga sa Dios, pagdududa na para ba talaga sa ikabubuti natin ang mga alituntunin Niya. Nawa mas mapagtanto pa natin na ang pinakamabuti ang nais ng Dios para sa atin at sundin nawa natin ang karunungan Niya. Gabay natin sa kaganapang espirituwal ang patnubay Niya habang patuloy tayong mas nagiging katulad ni Jesus (Mga Awit 119:97-104; Efeso 4:15; 2 Pedro 3:18).