May nagsabi na sa buhay, mayroon daw tayong tatlong pangalan: pangalang bigay ng mga magulang natin, bigay sa atin ng ibang tao (reputasyon), at bigay natin sa ating sarili (karakter). Mahalaga ang mga pangalang bigay ng ibang tao: “Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan, kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan” (Mga Kawikaan 22:1 MBB). Ngunit kahit mahalaga ang reputasyon, mas mahalaga ang karakter.
May isang pangalan pa – ang pinakamahalaga. Sinabi ni Jesus sa kapulungan ng mga nagtitiwala sa Kanya sa Pergamum na kahit nabahiran na ang kanilang reputasyon, may nakalaan Siyang pangalan sa langit para sa mga mapagtatagumpayan ang tukso. “Bibigyan ko ng...batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon” (Pahayag 2:17).
Hindi natin sigurado bakit ipinangako ni Jesus ang puting bato. Parangal ba ito sa mga nagwagi, tiket para makadalo sa malaking piging na hinahanda ng Dios, o tulad ng pagboto noon ng mga hurado para ipawalang-sala ang nasasakdal? Kung ano man ang dahilan, pangako ng Dios na buburahin ng bagong pangalan ang ating kahihiyan (Tingnan ang Isaias 62:1-5).
Marahil gula-gulanit na ang ating reputasyon at parang ’di na maiaayos ang karakter natin. Pero hindi ang mga iyon ang tumutukoy sa atin. Ikaw ang sinabi ni Jesus na ikaw. Isabuhay mo ang bago mong pangalan.