Nakakalungkot. Hindi na naman ako nakapagsimba sa simbahan namin dahil sa matinding sakit ng ulo at iba pang sakit ng katawan. Nanood na lang ako ng pangangaral na nasa ‘internet’ pero sa simula, mabigat ito sa loob ko. Idagdag pa na masakit kasi sa mata at tainga ang pinanonood kong ‘video’. Pero nang inawit ang isang pamilyar na kanta, naiyak na ako.
Sinasabi sa awit na “Be Thou My Vision” ang pagnanais na ituon sa Panginoon ang paningin, isipin Siya araw man o gabi, at ang pagkilos Niya ang maging liwanag gising man o tulog. Naging paalala ito sa akin kaya’t sinamba ko ang Dios habang nakaupo ako sa bahay namin.
Pinahahalagahan ng Biblia ang pagdalo sa pagtitipon para magkakasamang magsamba (Hebreo 10:25). Pero hindi nalilimitahan ang Dios ng mga pader ng simbahan. Nang kausap ni Jesus sa may balon ang babaeng taga-Samaria, binigyang linaw ni Jesus ang mga inaasahan ng babae sa Mesias (Juan 4:9) at inihayag ni Jesus sa babae ang katotohanan dahil iniibig din siya ng Dios (Tal. 10). Ipinaalam din ni Jesus ang dakilang pagkakakilala Niya sa Kanyang mga anak (Tal. 17-18), ang Kanyang pagkaDios, at sinabing magdudulot ang Banal na Espiritu ng tunay na pagsamba sa puso ng mga anak ng Dios, hindi sa isang lugar (Tal. 23-24).
Kapag nakatuon tayo sa kung sino ang Dios, mga ginawa Niya at lahat ng ipinangako Niya, puwede tayong magalak sa patuloy Niyang pagkilos sa buhay natin. Dahil dito sasambahin natin Siya at ng iba pang mga naniniwala sa Kanya, sa ating bahay...at sa lahat ng lugar!