Tiyahin si Hannah Wilberforce ni William Wilberforce (isang taga Britanya na nagsulong noon na wakasan na ang ‘slavery’ o pang-aalipin sa Britanya). Nang malapit nang pumanaw si tiya Hannah, sumulat ito ng liham kung saan nabanggit niya na narinig niya ang pagpanaw ng isa sa kapatid sa Panginoon.
Sinabi niya, “Masaya ang taong yumao at nagtungo na sa langit. Kapiling na si Jesus na inibig noong ’di pa nakikita. Tila tumatalon ang puso ko sa galak.” At sa sarili niyang sitwasyon: “Ako, mas mabuti at mas malala rin; si Jesus kasing buti ng dati.”
Naalala ko ang sinulat ni David sa Mga Awit 23:4, “Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat Ika’y aking kaagapay.” Tila lumulundag ang mga salitang ito mula sa pahina. Dahil doon sa gitna ng madilim na libis ng kamatayan, mas naging personal ang paglalarawan ni David sa Dios. Noong una nilalarawan niya ang Dios – ang aking pastol (Tal. 1) – pero simula sa ikaapat na talata, kinakausap na niya: “Ika’y aking kaagapay” (Tal. 4).
Nakakapanatag ng kalooban na mahabagin ang Dios na makapangyarihan sa lahat at sinasamahan tayo kahit sa pinakamahirap na pagkakataon ng Dios na lumikha sa buong mundo (90:2). Maging mas mabuti man o mas mahirap ang ating pinagdadaanan, puwede tayong lumapit sa ating Pastol, Tagapagligtas, at Kaibigan at makikita natin na kasingbuti Siya ng dati. Dahil sa kabutihan Niya talunan pati kamatayan at sa bahay ni Yahweh tayo mananahan magpakailanman (23:6).