Kalaro ng basketbol ang mga kaibigang babae nang naisip ni Amber na makikinabang ang kanilang pamayanan kung mayroong liga ng basketbol na pambabae. Kaya itinatag niya ang ‘Ladies Who Hoop,’ isang organisasyong nagnanais mapaunlad ang pagtutulungan at maging pakinabang rin sa susunod na henerasyon.
Layon nila na tulungan ang mga kababaihan, bata man o hindi, na magkaroon ng tiwala sa sarili at mabuting pagkatao. Hinihikayat din nila na magkaroon ang mga ito ng makabuluhang ambag sa kanilang pamayanan. Sabi ng isa sa mga unang manlalaro na nagtuturo rin sa ibang kababaihan, “Sagana sa pagkakaibigan ang grupo namin, isang bagay na matagal ko nang hanap. Tinutulungan namin ang isa’t isa sa iba’t ibang paraan. Masaya akong makita na lumalago at nagtatagumpay sila.”
Layon din ng Dios na magbuklod at magtulungan ang mga pinili Niya. Hinikayat ni Apostol Pablo ang mga taga-Tesalonica: “palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa at magtulungan kayo” (1 Tesalonica 5:11). Kailangan natin ang isa’t-isa sa ating pagsunod kay Cristo kaya nilagay tayo ng Dios sa pamilya ng sumasampalataya sa Kanya. Maraming puwedeng gawin: makinig sa taong may problema, magbigay ng tulong praktikal, o magsabi ng salitang nakaka-pagpasigla.
Puwede ring ipagdiwang ang tagumpay, manalangin at humiling ng lakas sa panahong mahirap, o hamunin ang isa’t-isa na lumago sa pananampalataya. Sa lahat ng ito kaya nating “magpatuloy...sa paggawa ng mabuti sa isa’t isa at sa lahat” (Tal. 15).