“Hindi ko maintindihan!” Sabay ang himutok ng anak ko sa pagbalibag niya ng lapis sa mesa. Ginagawa niya ang pagsasanay sa math. Ako naman kakasimula lang bilang guro sa “homeschool” (pag-aaral sa sariling tahanan kaysa sa paaralan). ’Di ko na matandaan paano isalin ang decimal (0.5) sa fraction (½). 35 taon na’ng nakalipas nang inaral ko ito. Paano ko ituturo ang bagay na ’di ko alam?
Minsan may nakakaharap tayong mga bagay na ’di natin alam o ’di natin maintindihan. Pero ‘All knowing’ at ‘Omniscient’ - alam ng Dios ang lahat ng bagay. Sabi ni Isaias tungkol sa Dios: “May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya?...Sinong nagturo... Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?” (Isaias 40:13-14). Walang sinuman!
May talino ang tao dahil gawa tayo ng Dios sa sarili Niyang kawangis. Pero wala ito kahit sa kalingkingan ng talino Niya. Alam ng Dios ang lahat ng bagay simula sa walang hanggang nakaraan hanggang sa walang hanggang bukas (Salmo 147:5).
Kahit malayo na ang narating ng kaalaman ng tao at marami nang nadagdag sa kaalaman natin ngayon dahil sa teknolohiya, madalas pa rin tayong nagkakamali. Pero alam ni Jesus ang lahat “agad-agad, sabay-sabay, buong-buo at totoo,” sabi nga ng isang teologo na nag-aaral ng tungkol sa Dios. Kailangan natin ang pagpapala ni Jesus sa pang-unawa natin at ituro nawa sa atin kung ano ang mabuti at totoo.