Sa unang bahagi ng ikalabingsiyam na daantaon, may sinulat na kuwento si Thomas Carlyle na ’di pa nailalathala. Ibinigay niya ito kay John Stuart Mill para ipasuri. Sa kasamaang palad, napasama ito sa mga bagay na sinusunog. Kaisa-isang kopya pa naman ito. Pero ’di natinag sa hangarin si Carlyle. Muli niyang sinulat ang mga pahinang nawala. Mula sa isang matinding kawalan, nagawa niya ang kanyang obra–ang aklat na kinilalang The French Revolution.

Sa huling yugto ng sinaunang kaharian ng Juda na noo’y makasarili at malayo sa katuruan ng Dios, inatasan ng Dios si Jeremias na kumuha ng sulatang balumbon at doon isulat ang lahat ng sinabi ng Dios sa kanya (Jeremias 36:2). Kita sa mensahe ang mapagmahal na puso ng Dios - tinatawag ang mga tao na talikuran ang masamang pamumuhay para maiwasan ang kapahamakan (Tal. 3).

Sinunod ni Jeremias ang Dios. Hindi nagtagal nabasa na ng hari ng Juda, si Jehoyakim, ang kasulatan. Pero pinalala nito ang sitwasyon: ipinagupit-gupit nito at ipinapatapon sa apoy ang kasulatan (Tal. 23-25). Pero ipinasulat muli ng Dios ang Kanyang salita kay Jeremias at ipinadagdag para kay Jehoyakim, “sinuman sa mga anak mo’y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi” (Tal. 30).

Maaari sunugin ang aklat na naglalaman ng Salita ng Dios. Pero anong saysay nito? Ang Salita na nagtataguyod sa salita ay walang hanggan.