Ninais kong sumulat ng ‘blog’ (sa internet) matapos ang biglaang pagkamatay ni inay. Nais ko kasing hikayatin ang mga tao na gamitin ang bawat minuto nila sa mundo para gumawa ng makabuluhang ambag.
Naghanap ako ng gabay sa mga baguhan sa pagsulat ng blog. Nalaman ko paano sumulat ng makabuluhang ‘blog,’ paano pumili ng titulo, at kung anong ‘platforms’ ang gagamitin kung saan ilalathala ang ‘blog’ na susulatin ko. Noong 2016, nailathala ko na ang una kong ‘blog’.
May gabay din si Apostol Pablo sa mga baguhan, isang paliwanag kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa Roma 6:16-18 sinabi niya na makasalanan tayo’t isinilang na alipin ng kasalanan at ang katotohanan na kaya ni Jesus na palayain tayo sa kasalanan (Tal. 18). Sinabi din niya ang kaibahan ng pagpapaalipin sa kasalanan at pagpapaalipin sa Dios at sa pamamaraan Niyang nagbibigay buhay (Tal. 19-20).
“Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Tal. 23). Kamatayan – ang walang hanggang pagkakahiwalay sa Dios – ang nakalulunos na kahihinatnan ng mga tatanggihan si Cristo. Bagong buhay – nagsisimula sa mundo at magpapatuloy sa langit kasama ang Dios – ang regalo sa atin ng Dios na nakay Jesus. Dalawa ang pagpipilian: piliin ang kasalanan na kamatayan ang hantungan o piliin ang regalo ni Jesus na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.