Anim na taong sinubukan ni Agnes na maging huwarang asawa ng pastor tulad ng biyenan niyang babae. Naisip ni Agnes na ’di niya puwedeng isabay ang pagiging manunulat at pintor sa pagiging asawa ng pastor. Isinantabi niya ang pagkamalikhain, pero nakaramdam siya ng malalim na lungkot – nadepres at kinalaunan, nagtangkang magpakamatay.
Ang pastor na kapitbahay nila ang tumulong para makaahon sa madilim na yugto si Agnes. Ipinagdasal siya ng pastor at sinabihang magsulat siya tuwing umaga, nang dalawang oras. Ito ang nakagising sa kanyang ‘sealed order’ (ang pinapagawa ng Dios sa kanya) para magsulat. Sabi ni Agnes, “Para maging totoong ako, kailangang makahanap ng daluyan ang bawat…daloy ng pagkamalikhain na bigay ng Dios sa akin.”
Nakatulong din kay Agnes ang sinulat ni haring David, “Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo’y iyong makakamtan” (Mga Awit 37:4). Habang patuloy niyang ipinagkakatiwala ang buhay niya sa Dios at nananalig na ang Dios ang mangunguna at gagabay sa kanya (Tal. 5), gumawa ng paraan ang Dios ’di lang para makapagsulat at makapagpinta si Agnes, kundi makatulong din sa ibang tao na mapabuti ang pakikipag-usap nila sa Dios.
May ‘sealed orders’ (mga gawain mula sa Dios na para sa’yo) ang bawat isa sa atin. ’Di lang ito para malaman natin na pinakamamahal na anak tayo, para rin maintindihan natin ang kakaibang paraan ng pagsisilbi sa Dios gamit ang mga kakayahan at hilig natin.