’Di inakala ng sundalong Pranses na habang naghuhukay sa buhangin para gawing mas matibay ang kampo ng hukbo nila, matutuklasan niya ang isang napakahalagang bato: ang ‘Rosetta Stone.’ Bato na kung saan nakalista sa tatlong wika ang mga mabubuting ginawa ni Haring Ptolemy V para sa mga pari at mga tao ng Ehipto.
Inilagak ito sa Museo ng Britanya at kinikilala na isa sa pinakamahalagang tuklas pang-arkeolohiya ng ika-labingsiyam na daantaon dahil tulong ito na mas maintindihan ang misteryo ng sinaunang sulat ng mga taga Ehipto, ang ‘hieroglyphics.’
Para sa marami sa atin, tila ba balot din ng misteryo ang malaking bahagi ng Biblia. Noong gabi bago ipako sa krus si Jesus, ipinangako Niyang ipapadala ang Banal na Espiritu at sinabing, “Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, gagabayan Niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin Niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag Niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” (Juan 16:13). Sa isang banda, tila banal na ‘Rosetta Stone’ natin ang Banal na Espiritu dahil nililiwanagan Niya ang katotohanan – kasali dito ang katotohanan nakapaloob sa mga misteryo ng Biblia.
Bagama’t hindi ipinangako ang ganap na pang-unawa sa lahat ng bagay na nasa Biblia, may kumpiyansa tayo na dahil sa Banal na Espiritu, kaya nating maiintindihan ang lahat ng kailangan natin para sumunod kay Jesus. Gagabayan tayo ng Banal na Espiritu sa mga mahahalagang bagay na iyon.