Pebrero 2020, noong pasimula pa lang ng pandemya ng COVID-19, napaisip ako dahil sa isang nabasa ko sa dyaryo. Papayag ba tayong ihiwalay ang sarili at baguhin ang pamamaraan ng pagbili, pagbiyahe, at pagtatrabaho para hindi magkasakit ang ibang tao? Pagpapatuloy ng manunulat, “Hindi lang ang yaman at galing sa medisina, sinusubok din kung papayag tayong pangalagaan ang kapakanan ng iba.”
Biglang nasa unang pahina ng dyaryo ang pangangailan ng kabutihan. ’Di madaling isipin ang kapakanan ng iba habang nag-aalala rin tayo para sa sariling kapakanan. Buti ’di lang sariling kakayahan ang inaasahan sa pagharap natin sa ganitong pagkakataon. Puwedeng hilingin sa Banal na Espiritu na bigyan tayo ng pag-ibig kapalit ng pagwawalang bahala, galak laban sa lungkot, kapayapaan kapalit ng pagkabalisa, tiyaga na manaig laban sa kapusukan, kabaitan para magmalasakit sa iba, kabutihan para isaalang-alang ang kapakanan ng iba, katapatan para tuparin ang mga pangako natin, hinahon kaysa sa kalupitan, at pagpigil sa sarili na makapag-aangat mula sa pagiging makasarili (Galacia 5:22-23).
Kahit ’di natin kayang gawin lagi ang lahat ng ito, nais pa rin ng Dios na hangarin natin palagi na mapuspos tayo ng Banal na Espiritu (Efeso 5:18).
Sabi ng manunulat na si Richard Foster na kabanalan ang gawin ang kailangang gawin kung kailan kailangan. Araw-araw kailangan ang kabanalang iyan, may pandemya man o wala. Kaya ba nating magsakripisyo para sa kapakanan ng iba? Banal na Espiritu, tulungan po Ninyo kaming gawin kung ano ang kinakailangan.