“Huwag magsalita, huwag maniwala, huwag makaramdam ang naging batas ng buhay namin,” sabi ni Frederick Buechner sa Telling Secrets, ang makapangyarihang talanggunita niya, “at kawawa ang susuway dito.” Nilalarawan niya ang kanyang karanasan sa tinatawag niyang “batas (na ’di nakasulat) ng mga pamilyang nawala sa ayos, sa kung ano mang kadahilanan.”
Sa sarili niyang pamilya, ibig sabihin ng “batas” na iyon na bawal magsalita si Buechner tungkol sa pagpapakamatay ng tatay niya. Bawal din niya itong ipagdalamhati. Wala tuloy siyang mapagkatiwalaan ng sakit na naramdaman niya.
Hawig ba ito sa karanasan mo? Marami ang natutong mabuhay sa baluktot na larawan ng pag-ibig – dapat maging hindi matapat, manahimik sa mga bagay na nakakasakit. Batay ito sa takot at para makakontrol. Isang uri ito ng pang-aalipin.
Ibang-iba ang paanyaya ni Jesus sa pagmamahal kaysa sa pagibig na puno ng kundisyon na madalas nating maranasan --- pagmamahal na lagi nating kinakatakutang mawala sa atin. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na sa pamamagitan ng pag-ibig ni Jesus, maaari na nating maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay nang walang takot (Roma 8:15) at ang maluwalhating kalayaan (Tal. 21) na puwede nating maranasan kapag alam nating iniibig tayo nang lubos, totoo, at walang kondisyon. Malaya tayong muling magsalita, magtiwala at makaramdam – at mabuhay nang walang takot.