Sa unang pagkakataong isinama ko ang mga anak ko para akyatin ang Colorado Fourteener – bundok sa Colorado na 14,000 talampakan o higit pa ang taas – kinabahan sila. Kakayanin ba nila? Handa na ba sila dito? Makailang ulit tumigil ang bunso para magpahinga at sinabing, “Tatay, ’di ko na po kaya.” Pero paniwala ko na makakabuti ang pagsubok na ito para sa kanila at gusto kong magtiwala sila sa akin. Isang milya mula sa tuktok, parang biglang nakahugot ng panibagong lakas ang bunso at naunahan pa niya kaming lahat na marating ang tuktok. Tuwang-tuwa siya na nagtiwala siya sa akin kahit pa nakaramdam siya ng takot.
Humanga ako sa tiwala ni Isaac sa tatay niyang si Abraham habang inaakyat nila ang kanilang bundok. Pero wala akong masabi sa tiwala ni Abraham sa Dios nang itinaas nito ang kutsilyo para saksakin ang sariling anak (Gen. 22:10). Kahit nalilito at nadudurog ang puso, sinunod pa rin ni Abraham ang Dios. Pero hindi nais ng Dios na mamatay si Isaac. Pinigilan ng anghel si Abraham: “Huwag mo siyang saktan!” (Tal. 12).
Mabuting maging maingat sa paghahalintulad ng kakaibang kuwentong ito sa buhay natin. At mahalaga ang panimulang bahagi– “sinubok ng Dios si Abraham” (Tal. 1). Dahil sa pagsubok na ito, nakita ni Abraham ang sukat ng tiwala niya sa Dios. Natuklasan din niya ang pagmamahal ng Dios at nakitang may nakalaang kaloob ang Dios para sa pangangailangan.
Minsan pagsubok ang daan para mas lumalim ang tiwala natin sa Kanya.