“Ibig sabihin, maaaring hindi ko ‘yon kasalanan?” Nagulat ako sa sinabi ng babae. Bilang panauhing tagapagsalita sa simbahan nila, pinag-uusapan namin ngayon ang ibinahagi ko nitong umaga. Sabi pa niya, “Mayroon akong malalang sakit. Nagdasal ako, nag-ayuno, inamin ko rin sa Dios ang mga kasalanan ko, at ginawa ko na ang lahat ng sinabi na kailangan kong gawin para gumaling. Pero may sakit pa rin ako, kaya akala ko ako ang dapat sisihin.”
Nakakalungkot. Dahil sa ibinigay na espirituwal pormula na makakaayos sa problema niya, sinisi niya ang sarili nang hindi gumana ang pormula. Subalit, maraming henerasyon na ang nakakalipas nang napabulaanan ang pormulang ito. Ang pormula – kung may pinagdadaanan kang paghihirap, ibig sabihin nagkasala ka.
Nang nawala kay Job ang mga alagang hayop, anak, at kalusugan niya, ginamit ng mga kaibigan niya ang pormula sa kanya. “Mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay, mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?” sabi ni Elifaz na naghihinala kay Job (Job 4:7). Sinabi din ni Bildad na marahil namatay ang mga anak ni Job dahil nagkasala ang mga ito (8:4). Wala silang kamalay-malay sa tunay na dahilan ng paghihirap ni Job (1:6-2:10). Lalo lang nilang pinabigat ang loob ni Job sa mga mabababaw nilang dahilan para sa malalim na dalamhati nito. Kinalaunan, sinaway sila ng Dios (42:7).
Kasama ang paghihirap sa buhay sa mundong makasalanan. Ngunit ang Dios ay may plano para sa’yo na higit pa sa sakit na iyong tinitiis.