Noong miyembro ako ng grupong nangangalaga sa kongregasyon ng simbahan namin, isa sa mga tungkulin ko ang ipagdasal ang mga kahilingang sinusulat nila sa kard na nilalagay namin sa upuan. Para sa kalusugan ng tiyahin, para sa pananalapi ng mag-asawa, para makilala ng apo ang Dios. Bihira akong makarinig ng kinahinatnan. Walang pangalan ang karamihan ng kard at wala akong paraan para malaman paano sinagot ng Dios ang mga dasal. Minsan napaisip rin ako, Nakikinig ba talaga Siya? May nangyayari ba dahil sa aking pagdarasal?
Sa buong buhay natin, makakaranas ang karamihan na magtanong, “Naririnig ba ako ng Dios?” Naalala ko ang mala-Ana kong hiling na magkaroon ng anak na hindi nasagot nang ilang taon. At ang hiling ko na matagpuan ni tatay si Cristo, ngunit namatay siya na hindi kinakitaan ng pananampalataya at pagtanggap kay Cristo.
Nakaukit sa kasaysayan ang napakaraming halimbawa ng tauspusong pakikinig ng Diyos: sa hinaing ng mga Israelita dahil sa pang-aalipin (Exodus 2:24); kay Moises sa Bundok Sinai (Deut. 9:19); kay Josue sa Gilgal (Josue 10:14); Sa dasal ni Ana para magkaanak (1 Samuel 1:10-17); sa pagsusumamo ni David na mailigtas kay Saul (2 Samuel 22:7).
“Kapag humiling tayo na naayon sa Kanyang kagustuhan, tayo’y pakikingan Niya” (1 Juan 5:14). Nakapaloob sa salitang “pinakikinggan” ang pagbibigay pansin at pagtugon sa napakinggan. Sa ating paglapit sa Dios, nawa maging lakas ng loob natin ang tainga niyang nakikinig na napatunayan na sa kasaysayan ng mga tagasunod Niya. Naririnig Niya ang ating hinaing.