Labingpitong buwan matapos ipanganak ang aming panganay— lalaki—ipinanganak naman ang babae. Masayang-masaya ako na nagkaroon din kami ng anak na babae, pero hindi rin ako mapakali. Kaunti lang ang alam ko tungkol sa batang lalaki pero wala akong kaalam-alam tungkol sa batang babae. Sarah ang ipinangalan namin sa kanya at gustong-gusto kong idinuduyan siya para makatulog habang nagpapahinga ang misis ko.
Hindi ko alam kung bakit pero napansin ko na lang na kinakantahan ko na pala si Sarah ng “You are My Sunshine” (sikat ka ng araw para sa akin) habang idinuduyan ko siya. Nasa bisig ko man siya o nasa duyan, patuloy ko siyang kinakantahan. Kagalakan sa puso ko ang bawat minuto niyon. Mahigit dalawangpung taong gulang na siya ngayon pero “Sunshine” pa rin ang tawag ko sa kanya.
Marahil, minsan naiisip nating kumakanta ang mga anghel. Pero kailan mo huling naisip na umaawit ang Dios? At saka, kailan mo huling naisip na inaawitan ka Niya? Malinaw ang mensahe ni Zefanias sa mga taga Israel: “si Yahweh na iyong Dios...Siya ay magagalak sa iyo...Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan” (Zefanias 3:17).
Bagama’t para sa mga taga-Jerusalem ang mensaheng ito, malamang inaawitan din ng Dios ang mga taong tumanggap kay Jesus bilang tagapagligtas! Ano kaya ang kinakanta Niya? Kanta na puno ng pagmamahal: totoo, marangal, matuwid, dalisay, kaaya-aya, at kahanga-hanga (Filipos 4:8).