Nanloloob ng bahay, kotse, convenience stores, at nakikipagaway sa ibang gang ang binatilyong si Casey – pinuno ng isang gang – at ang mga tagasunod niya. Kinalaunan, nahuli ng pulis si Casey. Sa kulungan, naging shot caller siya – taga-bigay ng mga gawang-bahay na patalim kapag may kaguluhan sa kulungan.
Minsan, nabartolina siya at habang nagmumuni-muni doon, naranasan ni Casey na para bang eksena sa pelikula, nakita niya sa isip niya ang ilang pangunahing kaganapan sa buhay niya at si Jesus – dinadala sa krus at ipinapako – sinasabihan siyang “ginagawa ko ito para sa’yo.” Sumalampak sa sahig ng bartolina si Casey at habang umiiyak, inamin niya sa Dios ang mga kasalanan niya. Ibinahagi niya ito sa isang pari at ipinaliwanag ng pari sa kanya ang tungkol kay Jesus. Binigyan din siya ng Biblia. “Iyon ang simula ng aking pamumuhay na may pananampalataya sa Dios.”
Nang muli siyang isinama sa mga karaniwang preso, nakaranas siya ng pagmamaltrato dahil sa kanyang pananampalataya sa Dios. Ngunit nakaramdam siya ng kapayapaan, dahil “nakahanap siya ng bagong gawain: ang pagbabahagi sa mga kapwa preso tungkol kay Jesus.”
Tinalakay ni apostol Pablo sa sulat niya kay Timoteo ang kapangyarihan ni Cristo na baguhin ang buhay ng tao: tinawag tayo ng Dios mula sa buhay na makasalanan upang sumunod at magsilbi kay Jesus (2 Timoteo 1:9). Bilang sumampalataya kay Jesus, nais nating maging buhay na saksi ng pag-ibig Niya. Sa tulong ng Banal na Espiritu, kahit sa paghihirap, maibabahagi natin sa iba ang Magandang Balita (Tal. 8).