“Nagagalak akong makita ka!” “Ganoon din ako!” “Masaya akong nakarating ka!” Ang mga pagbating ito ay tunay na nagbibigay kagalakan. Ang mga miyembro ng simbahan ng Southern California ay nagtipon online bago ang kanilang programa.
Dahil ako ay nagmula sa ibang lugar, hindi ko kilala ang mga bumabati sa akin. Parang hindi ako kabilang sa kanilang grupo. Makalipas ang ilang sandali, nakita ko na ang aming Pastor, ilang kaibigan at kakilala. Dahil nakita ko na sila at nakausap, naramdaman ko na hindi naman pala ako nag-iisa.
Hindi rin naman nag-iisa si Propeta Elias, kahit na naramdaman niya na iniwanan na siya ng kanyang mga kasama (1 Hari 19:10). “Nagsalita ang Panginoon sa kanya, bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram. Pahiran mo rin si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari ng Israel, at si Eliseo na anak ni Shafat, na taga-Abel Mehola, para pumalit sa iyo bilang propeta (Tal. 15-16).
Naging panatag naman si Elias nang sabihin ng Dios sa kanya na, “Ililigtas Ko ang 7,000 Israelita na hindi lumuhod at humalik sa imahen ni Baal” (Tal. 18). Katulad ng natutunan ni Elias, hindi tayo kailanman mag-iisa habang naglilingkod tayo sa Panginoon.