Noong 1941, unti-unting sinakop ng mga taga-Germany ang mga bansa sa Europa. Dahil doon, nakaisip ang manunulat na si John Steinberg na sumulat ng isang libro. The Moon Is Down ang pamagat nito, ginawan ito ng maraming kopya at ipinamigay sa mga taong nakakaranas ng paniniil bunga ng pananakop ng mga taga-Germany.

Ayon sa libro, may isang lugar na kinubkob ng isang masamang mananakop, nakapaloob din doon kung paano nila mapipigilan ang lubusang pananakop. Nagsilbing pag-asa ang librong iyon sa mga tao para huwag hayaan ang mga mananakop na magawa ang kanilang masamang balak.

Katulad ng pananakop ng mga taga-Germany, sinakop din ng mga taga-Roma ang mga Israelita. Ngunit, dahil sa pangako ng Dios sa mga Israelita na may darating na tagapagligtas at magdadala ng kapayapaan (Isaias 11), nagkaroon sila ng pag-asa. Sinang-ayunan din naman ito ni Apostol Pablo . Sinabi niya, “Narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno, na tinupad Niya ngayon sa atin nang muli Niyang buhayin si Jesus” (Gawa 13:32-33).

Sa pagdating ni Jesus, nabigyan ng pag-asa ang mga tao. Sa pamamagitan Niya, patatawarin ng Dios ang ating mga kasalanan (Tal. 38-39). Palalayain din ng Dios ang mga magtitiwala kay Jesus mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Dahil sa pagdating ni Jesus, mayroon tayong panghahawakang pangako na ililigtas Niya tayo at palalayain mula sa kasalanan.