Minsan, napagdesisyunan namin ng asawa ko na maglakad sa aming lugar, hanggang sa hindi namin namalayan, umabot na kami sa Grand River. Isang lugar iyon kung saan ang ilog ay napapalibutan ng mga puno. Natuwa kami sa nakita naming mga pagong na lumalangoy. Matagal na kasi kaming hindi nakakakita ng ilog, mga hayop at mga puno. Dahil doon, muli namin nasaksihan ang kagandahan ng kalikasan na gawa ng Dios.
Nasaksihan din ni Job ang kagandahan ng kalikasan. Ang Dios mismo ang nagsabi kay Job kung sino ang gumawa ng mga nakikita natin sa kapaligiran. Ipinaliwanag ng Dios kay Job kung paano kumikilos ang Kanyang mga nilikha: kung saan nagtatapos ang karagatan, kung paano lumiliwanag ang daigdig, saan nanggagaling ang kidlat (Job 38). “Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito” (Tal. 6-7).
Ang Dios ang Siyang lumikha ng lahat. Namamangha siguro si Job sa sinabi ng Dios sa kanya. Ipinagpatuloy pa ito ng Dios nang sabihin Niya na Siya ang nagpapaulan para tumubo ang mga halaman (Tal. 27). Sinabi rin ng Dios na Siya ang nagbubuklod sa mga bituin para ilagay sa kalawakan (Tal. 32).
Sa lahat ng sinabi ng Dios, ang sagot ni Job ay “Alam ko pong magagawa n’yo ang lahat ng bagay (42:2). Kaya naman, habang nabubuhay tayo at nakikita natin ang ating kalikasan, alalahanin natin na ang Dios ang gumawa ng lahat ng mga ito at pasalamatan natin Siya para sa mga kamangha-mangha Niyang mga nilikha.