Sa graduation sa isang lokal na high school noong 2019, 608 na estudyante ang tumanggap ng diploma nila. Sinabi ng prinsipal na tumayo ang estudyante kapag binanggit niya ang pangalan ng bansa kung saan sila ipinanganak: Afghanistan, Bolivia, Bosnia . . . . Nagpatuloy ang prinsipal hanggang sa nabanggit niya na ang 60 bansa at lahat ng estudyante ay nakatayo na at pumapalakpak. Animnapung bansa; isang high school.
Ang pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba ay isang maganda at makapangyarihang larawan. Ipinagdiriwang nito ang isang bagay na malapit sa puso ng Dios—ang mga taong nabubuhay nang magkasama at nagkakaisa.
Ang Salmo 133 ay isang awit na kinakanta ng mga tao kapag papasok sila sa Jerusalem para sa mga taunang pagdiriwang. Pinaaalala ng salmong ito ang kagandahan ng pamumuhay nang may pagkakaisa (Tal. 1) sa kabila ng mga pagkakaiba-iba. Sa matingkad na paglalarawan, ang pagkakaisa ay hamog (Tal. 3) at langis na ginagamit para italaga ang mga pari (Exodus 29:7)— “dumadaloy” ito sa ulo, balbas, at damit ng isang pari (Tal. 2). Itinuturo ng mga imaheng ito ang katotohanan na sa pagkakaiba, ang biyaya ng Dios ay dadaloy nang labis-labis.
Para sa mga nananampalataya kay Cristo, sa kabila ng pagkakaiba sa lahi, nasyonalidad, o edad, may mas malalim tayong pagkakaisa dahil sa Espiritu (Efeso 4:3). Kapag nagkaisa tayo na ipagdiwang ang bumibigkis sa atin, mayayakap natin ang mga pagkakaiba na bigay ng Dios, at maipagdiriwang natin ang tunay na pinagmulan ng pagkakaisa.