Habang tinitingnan ng kaibigan ko ang mga pictures niya, tinuro niya ang mga pisikal na katangian niya na sa tingin niya ay kapintasan. Sinabi ko sa kanya, “Ang nakikita ko ay isang maganda at minamahal na anak ng Makapangyarihang Hari ng mga hari. Nakikita ko ang isang mahabaging babae na umiibig sa Dios at sa iba, na ang tunay na kabutihan, pagiging mapagbigay, at katapatan, ay nakagawa ng pagbabago sa maraming buhay.”
Nang mapansin kong naluluha na siya, sinabi ko, “Tingin ko, kailangan mo ng korona!” Nang hapon na iyon, pumili kami ng perpektong korona para sa kaibigan ko, para hindi niya malimutan ang tunay niyang pagkakakilanlan.
Noong makilala natin si Jesus nang personal, kinoronahan Niya tayo ng pag-ibig at tinawag tayong mga anak Niya (1 Juan 3:1). Binigyan Niya tayo ng pananampalataya para magkaroon tayo ng “kapanatagan sa Kanyang pagbabalik” (2:28). Kahit tinanggap Niya kung sino tayo, dinadalisay at binabago tayo ng pag-ibig Niya para maging kagaya Niya tayo (3:2-3). Tinutulungan Niya tayong kilalanin ang pangangailangan natin sa Kanya, at magsisi habang ipinag- diriwang ang kapangyarihang tumalikod sa kasalanan (Tal. 7-9). Puwede tayong mabuhay nang matuwid at may pagmamahal (Tal. 10) dahil sa katotohanan Niya na nakatago sa puso natin, at sa Espiritu Niya na nasa ating buhay.
Hindi kailangan ng kaibigan ko ng korona o ng kahit ano pa nang araw na iyon. Pero pareho naming kailangan ng paalala tungkol sa halaga namin bilang mga minamahal na anak ng Dios.