“Wag kang maniniwala sa kahit sinong lampas trenta na,” sabi ng batang environmentalist na si Jack Weinberg noong 1964. Nalagyan ng label ang isang buong henerasyon dahil sa komento niyang iyon—kaya naman pinagsisihan niya yun.” Sabi pa niya, “Iyong isang bagay na sinabi ko lang basta... nabaluktot iyon at hindi naintindihan.”
Nakarinig ka na ba ng mga nang-aalipustang komento para sa mga millennials? Eh sa ibang henerasyon? Ang masasamang kaisipan tungkol sa isang henerasyon ay may maganda at pangit na resulta. Siguradong may mas mainam na paraan para pag- usapan ito. Kahit sobrang galing niyang hari, walang malasakit si Hezekia para sa ibang henerasyon. Noong nagkaroon siya ng nakamamatay na sakit (2 Hari 20:1), umiyak siya sa Dios (Tal. 2-3). At binigyan siya ng Dios ng 15 taon pa (Tal. 6).
Pero noong makatanggap siya ng pangit na balita na isang araw ay magiging bihag ang mga anak niya, ni hindi siya naluha man lang (Tal. 16-18). Ang iniisip niya noon, “Magiging mapayapa ba at walang panganib sa kapanahunan ko?” (Tal. 19). Kumpara sa sarili niyang kapakanan, hindi binigyan ni Hezekia ng pagpapahalaga ang mga susunod na henerasyon.
Tinatawag tayo ng Dios sa isang pag-ibig na tumatawid sa mga linyang naghihiwalay sa atin. Kailangan ng mga nakatatanda ng bagong ideyalismo at pagiging malikhain ng mga mas bata, na makikinabang naman sa karunungan at karanasan ng mga nauna sa kanila. Hindi ito ang oras para sa mga sarkastikong meme at kasabihan, kundi ng maingat na palitan ng mga ideya. Sama-sama tayo dito.