Hindi alam ni Nicholas na ilang daantaon pagkamatay niya, makikilala pala siya bilang Santa Claus.
Isa lang siyang tao na nagmamahal sa Dios, tunay na nagmamalasakit sa mga tao, at kilalang mapagbigay at mapaggawa ng mabubuting bagay. Ang sabi, nang malaman ni Nicholas na naghihirap ang isang pamilya, pumunta siya isang gabi sa bahay ng mga ito at naghagis ng isang bag ng ginto sa bukas na bintana, na nagkataong bumagsak sa medyas na nasa malapit sa tsiminea.
Bago pa ang kuwento ni Nicholas, hinimok na ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya sa Corinto na magbigay nang may galak. Sinulatan niya sila tungkol sa malaking pangangailangang pinansyal ng mga kapatid sa Jerusalem, at hiniling niya na magbigay sila nang bukas-palad. Pinaliwanag ni Pablo ang mga pakinabang at biyaya na darating sa mga nagbibigay ng kanilang mga pag-aari. Pinaalala niya na ang “ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami” (2 Corinto 9:6). At ang resulta ng masayang pagbibigay? “Pasasaganain [tayo]...sa lahat ng bagay” (Tal. 11) at mabibigyan ng karangalan ang Dios.
Ama, tulungan Nyo nga po kami na magbigay nang may galak, hindi lang tuwing Pasko, kundi buong taon. Salamat sa pagiging mapagbigay Mo, binigay Mo sa amin ang regalo Mo na “hindi kayang ipaliwanag,” ang Iyong Anak na si Jesus (Tal. 15).