Isang araw sa Agosto, pinanganak ng asawa ko ang pangalawa naming anak. Pero nahirapan kaming bigyan siya ng pangalan. Tatlong araw na “Baby Williams” lang ang tawag namin sa kanya, bago sa wakas ay napangalanan namin siyang Micah.
Medyo mahirap pumili ng tamang pangalan. Maliban na lang kung Dios ka, na nakahanap ng perpektong pangalan para doon sa bukod-tanging nagpabago ng mga bagay habang-buhay. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, inudyukan ng Dios si Haring Ahaz na humingi ng “palatandaan” para lumakas ang pananampalataya niya. (Isaias 7:10-11).
At kahit hindi iyon ginawa ng hari, binigyan pa siya ng Dios ng palatandaan: “Magbubuntis ang isang birhen, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki . At tatawagin niya ang bata na Emmanuel” (Tal. 14). Ang Dios ang nagpangalan sa sanggol, at Siya ang simbolo ng pag-asa para sa mga taong desperado na. Binigyan ni Mateo ng bagong kahulugan ang pangalang ito noong isulat niya ang kuwento ng kapanganakan ni Jesus (Mateo 1:23). Si Jesus ay si “Emmanuel.” Hindi Siya sugo lang ng Dios, kundi Siya mismo ang Dios, dumating Siya para iligtas ang bayan Niya mula sa kasalanan.
Binigyan tayo ng Dios ng palatandaan. Ang palatandaan ay isang Anak. Ang pangalan ng Anak ay Emmanuel—kasama natin ang Dios. Sinasalamin ng pangalan na iyon ang Kanyang presensya at pag-ibig. Sa araw na ito, iniimbitahan Niya tayo na yakapin ang Emmanuel at tandaang kasama natin Siya.