Isang simbahan ang nahati noon dahil sa hita ng manok. Pinag- aawayan daw ng dalawang lalaki ang huling hita ng manok sa isang kainan sa simbahan. Sabi ng isa, gusto raw ng Dios na sa kanya mapunta iyong manok. Sagot naman niyong isa, wala daw pakialam ang Dios doon, at gusto niya iyong manok. Sobrang lala ng away na umalis sa simbahan iyong isang lalaki at nagsimula ng sariling simbahan ilang kilometro mula roon. Mabuti na lang, nagkaayos din ang dalawang simbahan, at napag-isip-isip nila na kalokohan iyong dahilan ng paghihiwalay nila.
Sumasang-ayon dito si Jesus. Noong gabi bago ang Kanyang kamatayan, pinanalangin Niya ang mga tagasunod Niya: “na silang lahat ay maging isa gaya Natin...Nawa sila man ay suma-Atin, para maniwala ang mga tao sa mundo na Ikaw ang nagsugo sa Akin.” (Juan 17:21-23).
Sang-ayon din dito si Apostol Pablo. Sabi Niya, “Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa n’yo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. Sapagkat iisang katawan lamang Tayo na may iisang Banal na Espiritu” (Efeso 4:3-4), at hindi ito puwedeng hatiin.
Umiiyak tayo para sa nasirang katawan ni Cristo dahil sa kasalanan natin, dapat huwag din nating sirain ang katawan Niya—ang simbahan—dahil sa ating galit, tsismis, at pagkakapangkat- pangkat. Mas mabuti nang tayo ang maagrabyado kaysa maging dahilan tayo ng paghahati ng simbahan. Ibigay na sa iba iyong hita ng manok—dagdagan mo pa ng tinapay!