Nagtitingin ako ng mga librong may “C . S . Lewis” sa isang tindahan ng lumang libro nang dumating iyong may-ari. Habang nag-uusap kami, napaisip ako kung interesado kaya siya sa pananampalataya na nag-udyok kay Lewis para magsulat. Tahimik akong nagdasal para humingi ng gabay. Naisip ko iyong biography na nakalagay sa libro at nag-usap kami tungkol sa pagkatao ni Lewis at kung paanong nakaturo iyon sa Dios. Sa huli, nagpasalamat ako na iyong mabilisang dasal ko ay nagdala ng usapan namin sa mga bagay na espirituwal.
Huminto si Nehemias para magdasal bago iyong importanteng punto ng usapan nila ni Haring Artaserses ng Persia. Tinanong ng hari kung paano niya matutulungan si Nehemias, na nalulungkot noon dahil sa pagkasira ng Jerusalem. Naglilingkod si Nehemias sa hari, at wala siya sa posisyon para humingi ng pabor, pero kailangan niya iyon kasi gusto niyang ayusin ang Jerusalem. Kaya “nanalangin siya sa Dios ng kalangitan” bago magpaalam sa trabaho niya para maisaayos ang lungsod (Nehemias 2:4-5). Pinayagan siya ng hari at tinulungan pa siya para maging maayos ang biyahe niya at para makakuha siya ng mga troso para sa proyekto.
Hinihikayat tayo ng Biblia na magdasal “sa lahat ng oras” (Efeso 6:18). Kasali dito iyong mga pagkakataong kailangan natin ng lakas ng loob, pagpipigil sa sarili, o pagiging sensitibo. Kapag nanalangin tayo bago magsalita, binibigay natin sa Dios ang kontrol sa ating ugali at mga salita.
Sa paanong paraan Niya gustong gabayan ang mga salita mo ngayong araw? Tanungin mo Siya para malaman mo.