Nawalan ng paningin si Jia Haixia noong taong 2000. Nawalan naman ng mga braso ang kaibigan niyang si Jia Wenqi noong bata pa ito. Pero natutunan nilang lampasan ang kanilang mga kapansanan. “Ako ang mga kamay niya, at siya ang aking mga mata,” sabi ni Haixia. Magkasama nilang binabago ang bayan nila sa Tsina.
Mula noong 2002, nagmimisyon ang magkaibigan para muling buhayin ang isang bakanteng lupa malapit sa bahay nila. Araw- araw, pumapasan si Haixia kay Wenqi at tumatawid sila ng ilog papunta sa lugar. Inaabot ni Wenqi kay Haixia ang pala gamit ang paa niya, bago ilalagay ni Haixia ang pandilig sa pagitan ng pisngi at balikat ni Wenqi. Sa paghuhukay nung isa at pagdidilig nung isa, nakapagtanim na sila ng lampas sa 10,000 puno sa ngayon. “Pag nagtatrabaho kami nang magkasama, hindi ko nararamdaman na may kapansanan ako,” sabi ni Haixia. “Isang team kami .”
Kinumpara ni apostol Pablo ang simbahan sa isang katawan, kailangan ng bawat bahagi ang isa’t isa. Kung ang simbahan ay puro mata, walang makakarinig; kung lahat tenga, walang pang- amoy (1 Corinto 12:14-17). “Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, ‘Hindi kita kailangan’,” sabi pa ni Pablo (Tal. 21). Bawat isa sa atin ay may papel sa simbahan base sa ating mga espirituwal na kaloob (Tal. 7-11, 18). Gaya nina Jia Haixia at Jia Wenqi, kapag pinagsama natin ang mga kalakasan natin, kaya nating magdala ng pagbabago sa mundo.
Pinagsama ng dalawang tao ang kakayanan nila para buhayin ang isang bakanteng lupa. Kay gandang larawan ng isang simbahan na kumikilos!