Nagpunta kami sa isang archeological site sa bansang Israel. Pinaliwanag ng direktor sa lugar na kahit anong mahukay namin ay hindi pa nahawakan ninuman sa loob ng libong mga taon. Habang naghuhukay ng mga basag na piraso ng palayok, pakiramdam namin ay nahawakan namin ang kasaysayan. Pagkatapos ng mahabang oras, dinala kami sa lugar kung saan ang mga basag-basag na piraso ay binubuo muli.
Maliwanag ang larawang ito. Ginagawa uli ng mga tao doon ang mga bagay na ilang siglo nang sira, at kinakatawan niyon ang Dios na gustong-gustong mag-ayos ng mga sirang bagay. Sinulat ni David sa Salmo 31:12, “Para akong patay na kinalimutan, at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.” Kahit hindi natin alam kung kailan ito isinulat, makikita natin sa mga panaghoy ni David iyong hirap ng buhay na dinanas niya. Inilalarawan siya nito bilang isang taong ‘nabasag’ dahil sa mga panganib, pakikipaglaban, at kawalan ng pag-asa.
Kanino siya humingi ng tulong? Sa talata 16, tumawag si David sa Dios, “Ipadama N’yo ang Inyong kabutihan sa akin na Inyong lingkod. Sa Inyong pagmamahal, iligtas N’yo ako.”
Ang Dios na pinananampalatayanan ni David ay ang Dios din na nagsasaayos ng mga sirang bagay ngayon. Ang gusto Niya lang, tumawag tayo sa Kanya at magtiwala sa di-nagmamaliw Niyang pag-ibig.