Natalo ang eskuwelahan kung saan football coach ang anak ko. Sobrang tindi ng labanan na iyon at dalawang taon nang walang nakakatalo sa kalaban nila. Nag-text ako kay Brian para ikonswelo siya at nakatanggap ako ng sagot niya: “Lumaban ang mga bata!”
Walang coach na namahiya sa mga manlalaro pagkatapos ng laro. Walang nanigaw sa kanila dahil sa mga maling desisyon nila. Sa halip, pinaulanan ng papuri ang mga bata.
Ganoon din naman, mabuting malaman na ang mga nananampalataya kay Jesus ay hindi makakarinig ng masasakit na pagkondena mula sa Kanya. Pagbalik ni Cristo at kapag tumayo na tayo sa harap niya, hindi Niya tayo ipapahiya. Makikita Niya ang ginawa natin habang sinusunod natin Siya (2 Corinto 5:10; Efeso 6:8). Tingin kong sasabihin Niya, “Lumaban ka! Magaling ang ginawa mo!” Nagpatotoo si Apostol Pablo na siya ay “puspusang... nakipaglaban” at hinihintay na niya ang pagsalubong sa kanya ng Dios (2 Timoteo 4:7-8).
Ang buhay ay isang walang humpay na pakikibaka sa isang mabangis at ‘di sumusukong kalaban, na nakatuon lang sa pagwasak sa atin. Kokontrahin niya ang bawat pagsisikap natin para mahalin ang iba at maging kagaya ni Jesus. May mangilan-ngilang panalo at ilang masakit na pagkatalo—Alam iyan ng Dios—pero hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga na kay Cristo (Roma 8:1). Kung haharap tayo sa Kanya sa kabutihan ng Anak ng Dios, bawat isa ay tatanggap ng “papuri” mula sa Dios na ayon sa Kanyang ginawa (1 Corinto 4:5).