Sa isang malaking simbahan sa Africa, lumuhod ang pastor at dumalangin sa Dios. “Alalahanin N’yo kami!” Sumagot ang mga tao na nag-iiyakan, “Alalahanin N’yo kami, Panginoon!” Habang pinapanood ito sa YouTube, nagulat ako kasi naiyak din ako. Ni-record ang dasal ilang buwan na ang nakakaraan. Pero ipinaalala niyon ang panahon noong naririnig ko ang pastor namin na tumatawag sa Dios nang ganoon. “Alalahanin N’yo kami, Panginoon!”
Noong bata ako at naririnig ko ang dasal na iyon, inakala kong minsan ay nalilimutan tayo ng Dios. Pero alam ng Dios ang lahat (Salmo 147:5; 1 Juan 3:20). Nakikita Niya tayo parati (Salmo 33:13-15), at hindi nasusukat ang pagmamahal Niya para sa atin (Efeso 3:17-19).
Bukod doon, sa salitang Hebreo ang Zakar ay “alalahanin.” Ang kahulugan ng ‘inalala’ tayo ng Dios ay kumikilos Siya para sa atin. Kaya noong “naalala” ng Dios si Noe at “ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko,” pagkatapos niyon, “pinaihip Niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig” (Genesis 8:1). Noong “naalala” ng Dios ang baog na si Raquel, “Sinagot Niya ang kanyang panalangin. Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki” (30:22-23).
Isang magandang panalangin iyong alalahanin tayo ng Dios! Siya ang magdedesisyon kung paano Siya sasagot. Puwede tayong magdasal, pero alam natin na ang mapagkumbabang hikbi natin ay isang hiling para kumilos ang Dios.