Sa sikat na comics na Peanuts, kilala si Linus sa kanyang asul na kumot. Dala niya iyon palagi at hindi siya nahihiyang aminin na kailangan niya iyon para maging komportable siya. Ayaw naman ng kapatid niyang si Lucy sa kumot at madalas nitong alisin iyon. Ibinabaon nito sa lupa ang kumot, ginagawang saranggola, at ginagamit sa science project. Alam din ni Linus na hindi siya dapat umasa masyado sa kumot at binibitawan niya iyon paminsan- minsan, pero binabalikan din.
Sa pelikulang A Charlie Brown Christmas, noong nagtanong si Charlie Brown ng, “Wala bang nakakaalam kung para saan ang Pasko?” Sumagot si Linus habang hawak ang kumot niya, binanggit niya iyong nasa Lucas 2:8–14. Sa gitna ng pagsagot, noong sinabi niyang “Huwag kayong matakot,” binitawan niya ang kumot—ang bagay na niyayakap niya kapag natatakot siya.
Ano ang meron sa Pasko na nagpapaalala sa atin na hindi tayo dapat matakot? Nagpakita ang mga anghel sa mga pastol at sinabi, “Huwag kayong matakot...isinilang ngayon...ang inyong Tagapag- ligtas” (Lucas 2:10-11).
Si Jesus si “Kasama natin ang Dios” (Mateo 1:23). Kasama natin Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang tunay na Tagatulong (Juan 14:16), kaya hindi natin kailangang matakot. Puwede nating bitawan ang mga “kumot” natin at magtiwala sa Kanya.