Noong World War II, junior engineer si Waldemar Semenov at sakay siya ng SS Alcoa Guide. Minsan, noong malapit-lapit na sila sa baybay ng North Carolina, isang German submarine ang lumutang at pinaputukan sila. Tinamaan ang barko, nagkasunog, at nagsimula iyong lumubog.
Ibinaba nila Semenov at ng mga kasama niya ang mga lifeboat at ginamit ang kompas para makapaglayag sila sa linya ng barko. Pagkatapos ng tatlong araw, nakita ng nagpapatrol ang lifeboat nila at niligtas sila ng USS Broome kinabukasan . Salamat sa kompas, naligtas si Semenov at ang 26 pang mga kasama niya.
Pinaalala ng salmista sa mga tao na may kompas sila sa buhay— ang Biblia. Kinumpara niya ang Kasulatan sa “ilaw” (Salmo 119:105) na nagbibigay-liwanag sa daan ng buhay ng mga sumusunod sa Dios. Noong nagpapalutang-lutang ang salmista sa magulong alon ng kanyang buhay, alam niyang gagamitin ng Dios ang Kasulatan para magbigay ng espirituwal na longitude at latitude at tutulungan siyang makaligtas. Kaya nagdasal siya na magpadala ang Dios ng ilaw para gabayan siya sa buhay at dalhin siya nang ligtas sa daungan ng Kanyang banal na presensya (43:3).
Bilang mga mananampalataya ni Jesus, kapag naliligaw tayo, kaya tayong gabayan ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng direksyong matatagpuan sa Kasulatan. Nawa ay baguhin ng Dios ang mga puso at isip natin habang binabasa natin ang Biblia, inaaral, at sinusunod ang karunungan nito.