Sa pagkalat ng coronavirus sa buong mundo, pinayuhan tayo ng mga eksperto na maglayu-layo para mapabagal ang pagkalat ng virus. Maraming kailangang mag-self-quarantine o kaya manatili lang sa isang lugar. May mga napilitang magtrabaho na lang sa bahay, habang iyong iba, nawalan na talaga ng trabaho. Gaya ng iba, nakisali rin ako sa mga meeting sa simbahan gamit ang mga digital na paraan. Buong mundo ay nakaranas ng bagong anyo ng pagsasama-sama, kahit hindi pisikal na nagkikita.
Hindi lang internet ang dahilan ng ganitong koneksyon. Nakakonekta tayo sa isa’t isa bilang bahagi ng katawan ni Cristo, sa pamamagitan ng Espiritu. Pinahayag ito ni Apostol Pablo sa sulat niya sa mga taga-Colosas. Kahit hindi niya personal na itinayo ang simbahan, may malalim siyang malasakit para sa kanila at sa pananampalataya nila . At kahit hindi sila mapuntahan nang personal ni Pablo, pinaalala niya na “kasama naman [nila] ako sa espiritu” (Colosas 2:5, MBB).
Hindi puwedeng makasama natin palagi ang mga minamahal natin dahil sa pinansyal, kalusugan, at iba pang praktikal na mga dahilan, pero matutulungan tayo ng teknolohiya. Pero walang kahit anong anyo ng virtual na koneksyon ang maikukumpara sa “pagsasama-sama” na nararanasan natin bilang mga miyembro ng katawan ni Cristo (1 Corinto 12:27).
Sa mga ganitong sandali, puwede tayong magsaya sa tibay ng pananampalataya ng isa’t isa, at sa pamamagitan ng panalangin, palalakasin natin ang loob ng bawat isa para ating “maunawaan nang lubos ang lihim na plano ng Dios tungkol kay Cristo.” (Colosas 2:2).