Ang “The Gathering” na nasa bandang norte ng Thailand ay isang interdenominational at international na simbahan. Nitong nakaraan, nagsama-sama sa isang simpleng kuwarto ang mga nananampalataya kay Jesus mula sa Korea, Ghana, Pakistan, China, Bangladesh, Amerika, Pilipinas, at iba pang bansa. Kumanta sila ng “In Christ Alone” at “I Am a Child of God” na ang madamdaming liriko ay tamang-tama sa lugar.
Walang iba na may kayang magsama-sama ng mga tao na gaya ng ginagawa ni Jesus. Ginagawa na niya ito simula’t simula pa. Noong unang siglo, may 18 na iba’t ibang ethnic groups ang Antioc, nabubuhay sila sa sari-sarili nilang bahagi ng lungsod. Nang dumating ang mga mananampalataya sa Antioc, pinalaganap nila ang balita tungkol kay Jesus “sa mga Judio lamang” (Gawa 11:19).
Pero hindi iyon ang plano ng Dios para sa simbahan. Dumating ang iba at “nagpahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus maging sa mga hindi Judio,” at “marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon” (Gawa 11:20-21). Napansin ng mga tao na ginamot ni Jesus ang poot sa pagitan ng mga Judio at mga Griyego, at pinahayag nila na ang mga nasa simbahang ito na binubuo ng maraming lahi ay dapat tawaging “Cristiano,” o “mga tagasunod ni Cristo” (Gawa 11:16).
Mahirap para sa atin na tawirin ang mga hangganan ng mga lahi, sosyal, at ekonomiko, para yakapin ang mga taong naiiba sa atin. Pero ang hirap na ito ay oportunidad din para sa atin. Kung hindi ito mahirap, hindi natin kailangan si Jesus para gawin ito. At iilan lang ang makakapansin na sinusunod natin Siya.