Pag-isipan mo ito: Iyong nagpatubo ng puno mula sa buto, nagsimula ng buhay bilang isang embryo; Iyong lumikha ng mga bituin, nagpasakop sa isang sinapupunan; Iyong pumupuno sa langit, naging tuldok lang sa ultrasound. Si Jesus na likas na Dios, ibinaba ang sarili (Filipos 2:6-7). Kahanga-hanga!
Pag-isipan mo ang eksena noong pinanganak Siya sa isang payak na bayan, kasama ng mga pastol, mga anghel, at maliliwanag na ilaw sa langit, tapos iyong mga tunog ng hayop ang una niyang pampatulog . Tingnan mo habang lumalaki Siya: noong bata pa, ginulat Niya ang mga guro sa mga sagot Niya sa mabibigat na tanong; noong kabataan Niya sa Jordan, nakuha Niya ang blessing ng Kanyang Ama mula sa langit; at doon sa ilang, nakipaglaban Siya sa gutom at pananalangin.
Tapos, panoorin mo noong sinimulan Niya ang misyon na nagpabago sa mundo—nagpagaling Siya ng mga may-sakit, hinawakan ang mga may ketong, pinatawad ang marurumi. Panoorin mo habang nakaluhod Siya sa hardin at namimighati, at noong inaaresto Siya habang tumatakas ang pinakamalalapit Niyang kaibigan. Panoorin mo noong dinuraan Siya at ipinako sa dalawang posteng kahoy, nasa mga balikat Niya ang kasalanan ng mundo. Pero panoorin mo rin habang gumugulong ang bato, walang laman ang libingan, kasi buhay Siya!
Panoorin mo habang itinataas Siya nang lubos ng Dios (Tal. 9). Panoorin mo habang ang lahat ng nasa langit at lupa ay luluhod sa Kanya (Tal. 10-11).
Itong Manlilikha ng mga bituin ay minsang naging tuldok sa isang ultrasound. Siya ang “ang anak ng Kapaskuhan” natin.