Nagtagal ng ilang taon ang samaan ng loob nina Simon at Geoffrey. Ilang beses sinubukan ni Simon na makipag-ayos, pero hindi iyon tinanggap. Nang mabalitaan niya ang tungkol sa pagkamatay ng nanay ni Geoffrey, nagbiyahe si Simon papuntang Kenya para makiramay.
Naalala ni Simon ang pagkikita nila: “Wala akong inaasahan, pero pagkatapos ng lamay, nag-usap kami nang masinsinan at naging mabunga iyon. Nagyakap kami, nagkuwentuhan, nagdasal, at nagplanong magkita ulit.” Kung nagkabati lang sila nang mas maaga, naiwasan sana ang mas matagal na pagtitiis sa sakit.
Makakatulong ang mga salita ni Jesus sa Mateo 5:21–26 para makita sa ibang pananaw ang mga tensyon sa ating mga pakikipagrelasyon. Seryosong bagay ang galit na galing sa mga lamat na gaya nito (Tal. 22). Bukod doon, ang pag-aayos ng ating mga relasyon ay siyang tamang simula ng pagpupuri sa Dios (Tal. 23-24). Ang matatalinong salita ni Jesus na “makipag-ayos ka kaagad sa kanya” (Tal. 25) ay nagpapaalala sa atin na kung mas maaga tayong makikipagbati, mas mabuti para sa lahat.
Komplikado ang ating mga relasyon sa iba; kailangang trabahuhin—sa ating mga pamilya, sa trabaho, sa eskuwelahan, at sa mga taong kapanalig natin kay Cristo. Pero bilang mga kumakatawan sa Kanya na “Prinsipe ng Kapayaaan” (Isaias 9:6), sana ay gumawa tayo ng paraan para abutin ang mga puso at kamay ng mga taong nakaalitan natin.