Dalawang estatwang leon ang nasa ibabaw ng entrada ng New York Public Library. Gawa sa marmol, nakatayo sila doon mula pa nang italaga ang aklatan noong 1911. Una silang tinawag na Leo Lenox at Leo Astor bilang pag-aalala sa mga nagpatayo ng aklatan.
Pero noong panahon ng Great Depression, tinawag silang Fortitude at Patience, mga katangiang naisip ng mayor na dapat ipakita ng mga taga-New York sa ganoong mga mapanghamong panahon. Iyon pa rin ang pangalan ng mga leon hanggang ngayon.
Inilalarawan ng Biblia ang isang buháy at makapangyarihang Leon na nagbibigay ng lakas ng loob sa panahon ng problema, at kilala rin Siya sa ibang pangalan. Sa pangitain niya ng langit, umiyak si apostol Juan noong makita niya na walang makapagbukas ng nakarolyong kasulatan na naglalaman ng plano ng Dios tungkol sa paghatol at pagtubos. Tapos, sinabihan si Juan, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda... ay nagtagumpay, at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.” (Pahayag 5:5).
Pero sa mga susunod na talata, inilarawan ni Juan ang ibang bagay: “Pagkatapos, nakita ko sa pagitan ng matatandang pinuno at ng trono... ang isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na” (Tal. 6, MBB). Ang Leon at ang Kordero ay iisang persona lang: si Jesus. Siya ang hari at ang “Kordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Juan 1:29, MBB). Sa pamamagitan ng Kanyang lakas at ng Kanyang krus, tumatanggap tayo ng awa at kapatawaran para mabuhay nang may galak at mangha sa Kanya magpakailanman!