“Hindi ako makapaniwalang tapos na ang Pasko,” malungkot na sabi ng anak ko. Alam ko ang nararamdaman niya: Nakakawalang-sigla talaga ang pagtatapos ng Pasko. Nabuksan na ang mga regalo. Itinabi na ang Christmas tree at mga ilaw. Matamlay ang Enero, at biglang parang ang layo na ng Pasko at ng lahat ng damdaming kasama nito.
Minsan habang nagliligpit, naisip ko na: Kahit ano pa ang petsa, laging isang araw na mas malapit tayo sa susunod na Pasko. Lagi ko na iyong sinasabi mula noon.
Pero mas mahalaga kaysa sa pagdiriwang ng Pasko ay ang espirituwal na katotohanan sa likod nito: ang kaligtasang dinala ni Jesus sa mundo at ang pag-asa natin sa Kanyang pagbabalik. Binanggit sa Kasulatan nang ilang beses ang tungkol sa pag- mamatiyag, paghihintay, at pag-asam sa pagbabalik ni Cristo. Gustung-gusto ko iyong sinabi ni Apostol Pablo sa Filipos 3:15–21. Pinakita niya ang kaibahan ng pamumuhay sa mundo—“walang iniisip kundi ang mga makamundong bagay”(Tal. 19)—sa buhay na minolde ng pag-asa sa pagbalik ni Jesus: “ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo” (Tal. 20).
Lahat ay binabago ng katotohanang “ang langit ang tunay nating bayan,” kasali doon ang mga inaasahan natin at kung paano tayo namumuhay. Ang pag-asang iyan ay pinatitibay ng kaalaman na sa bawat araw, palapit tayo nang palapit sa araw ng pagbabalik ni Jesus.