Mabuting magkaibigan kami ni Catherine simula pa high school. Kung hindi kami magkausap sa telepono, nagpapasahan kami ng sulat sa klase. Kung minsan ay magkasama kaming mangabayo, at magkasama rin kaming gumagawa ng project sa paaralan.
Isang Linggo ng hapon, naisip ko si Catherine. Nangaral ang pastor ko nang umagang iyon tungkol sa buhay na walang hanggan, at alam kong hindi naniniwala ang kaibigan ko sa mga itinuturo ng Biblia. Naramdaman ko ang udyok na tawagan siya at ipaliwanag kung paano siya magkakaroon ng relasyon kay Jesus, pero nag- alinlangan ako kasi natatakot akong baka tanggihan niya ang sasabihin ko at lumayo siya sa akin.
Sa tingin ko, ito ring takot na ito ang dahilan kaya tahimik ang marami sa atin. Kahit si Apostol Pablo ay humiling na ipanalangin siya para “maipahayag nang buong tapang ang Magandang Balita” (Efeso 6:19). Hindi maitatanggi ang mga panganib ng pagpapahayag ng Magandang Balita, pero sinabi ni Pablo na siya ay “isinugo”— ang nagsasalita para Dios (Tal. 20). Tayo man ay ganoon din. Kung tatanggihan ng mga tao ang mensahe natin, tinatanggihan din nila ang nagpadala ng mensahe.
Nagmamalasakit tayo sa mga tao, gaya ng Dios (2 Pedro 3:9). Iyon ang nagtulak sa akin para sa wakas ay tawagan si Catherine. Nakamamangha na hindi niya ako pinigilan. Nakinig siya. Hiniling niya na patawarin siya ni Jesus sa mga kasalanan niya at nagpasya siyang mabuhay para sa Kanya. Ang panganib ay nagkakahalaga ng gantimpala.