Pumunta si Kevin sa nursing facility pagkamatay ng tatay niya para kuhanin ang mga gamit nito. Inabot sa kanya ng staff ang dalawang maliit na kahon. Nalaman niya nang araw na iyon na hindi kailangan ng pagkarami-raming ari-arian para maging masaya.
Masayahin ang tatay ni Kevin na si Larry at lagi itong may ngiti at magagandang mga salita para sa iba. Ang dahilan ng kasiyahan niya ay ibang “ari-arian” na hindi kakasya sa kahon: isang di-natitinag na pananampalataya sa kanyang Tagapagligtas, si Jesus.
HInihikayat tayo ni Jesus na “mag-ipon ng kayamanan sa langit” (Mateo 6:20). Hindi niya sinabing bawal tayong magkabahay, magkakotse, o mag-ipon para sa kinabukasan. Pero inudyukan Niya tayo na tingnan ang ninanais ng puso natin. Saan ba nakatuon si Larry? Nakatuon siya sa pagmamahal sa Dios sa pamamagitan ng pagmamahal sa iba. Nag-aakyat-baba siya sa mga pasilyo kung saan siya nakatira, bumabati at nagpapalakas-loob sa mga nakakasalubong niya. Kung may umiiyak, aaliwin niya at pakikinggan, o ipapanalangin. Nakatuon ang isip niya sa pamumuhay para sa karangalan ng Dios at sa ikabubuti ng iba.
Maaari nating tanungin ang sarili kung magiging masaya ba tayo kung kaunti lang ang mga bagay na nakakalat at humahadlang sa mga mas importanteng bagay gaya ng pagmamahal sa Dios at sa iba. “Kung nasaaan ang iyong kayamanan, naroon din ang inyong puso” (Tal. 21). Masasalamin sa buhay natin kung ano ang pinapahalagahan natin.